Mawawalan ng suplay ng tubig ang ilang lugar sa Metro Manila simula ngayong araw dahil sa isinasagawang leak repair activity ng Maynilad sa kahabaan ng Osmeña Highway cor. Zobel Roxas sa Makati City.
Sa abiso ng Maynilad, tatlong araw ang water interruption sa ilang barangay ng Manila, Makati, Parañaque, at Pasay na apektado sa pagkukumpuni ng tumagas na tubo ng Maynilad.
Isa sa higit na maapektuhan ay ang mga may negosyo na nangangailangan ng tubig tulad ng isang laundry shop sa Maynila.
Ayon sa empleyado na si Arjyl Singzon, bago pa man ang leak repair, araw-araw na silang nakararanas ng pagkaantala sa tubig.
“Kapag may nagpapa-rush, hindi po nila makukuha kaagad kasi nawawalan ng tubig pagka-hapon po, tuwing 5 or 7 p.m. hanggang 11 po,” ani Singzon.
Malaking abala aniya ito sa kanilang operasyon lalo na’t tatlong magkakasunod na araw silang mawawalan ng suplay ng tubig.
Kaya maliban sa pag-iipon ng balde-baldeng tubig, inaayos na rin nila ngayon ang mga natirang labada na ililipat nila sa kabilang laundry shop.
“Tigil operation ‘yung mga machine. Totally po naglipat na kami ng mga laundry kasi nawalan kami ng tubig kagabi,” dagdag ni Singzon.
Umaasa sila na agad maaayos ang tagas sa tubo ng Maynilad at magkaroon ng mas mabuting serbisyo ang naturang water concessionaire gayung tuloy-tuloy naman ang kanilang pagbayad ng bill.
Samantala, nakaabang na ang mobile water tankers ng Maynilad para sa mga customer na apektado ng water interruption.
Bukod dito, nakahanda na rin ang kanilang stationary water tanks na maaaring pagkunan ng malinis na tubig ng mga apektadong customer.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.