PatrolPH

Task group binuo para tutukan kaso ng pagpatay sa 2 barangay chair sa Samar

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2021 05:50 PM

Task group binuo para tutukan kaso ng pagpatay sa 2 barangay chair sa Samar 1
Agad na nagsagawa ng case conference ang mga miyembro ng bagong itinayong Special Investigation Task Group na tututok sa kaso ng pagpatay sa dalawang kapitan ng barangay at isang habal-habal driver sa Tarangnan, Samar. Larawan mula sa Police Regional Office 8

Bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Philippine National Police (PNP) kasunod ng nangyaring pagpaslang sa dalawang barangay chairman at isang habal-habal driver sa Tarangnan, Samar, Miyerkoles ng umaga.

Ang SITG Tarangnan ay pinamumunuan mismo ng Provincial Director ng Samar Police Provincial Office Police na si Police Col. Glenn Oliver Cinco.

Kabilang din sa grupo si Major Norman Ala ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Western Samar at iba pang mga opisyal ng pulisya.

Binuo ang task group para tukuyin ang motibo at papanagutin ang mga salarin na pumatay sa mga biktimang kinilalang sina Bonifacio Babon, 63, punong barangay ng Barangay Marabut; chairman Amelita Helbolario ng Barangay Awang; at Elpidio Babon Jr., driver ng habal-habal.

Matatandaan na tinambangan ng hindi pa nakikilalang salarin ang sinasakyang motorsiklo ng dalawang kapitan.

RELATED VIDEO IVS

Watch more News on iWantTFC

- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.