PatrolPH

Ina arestado matapos gamitin umano ang batang anak, kapatid sa 'live show'

Doland Castro, ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2021 05:32 PM

Ina arestado matapos gamitin umano ang batang anak, kapatid sa 'live show' 1
Sinagip ng mga awtoridad ang mga batang biktima ng umano'y cybersex sa Taguig City, kung saan mga banyaga umano ang parokyano. Screengrab, PNP footage

MAYNILA — Timbog nitong Biyernes ang isang nanay sa Taguig City matapos madiskubreng ibinebenta niya ang malalaswang larawan at video ng mga batang anak at kapatid.

Sa operasyong ikinasa ng Philippine National Police Women and Children Protection Center, timbog si alyas "Emma" dahil sa pagbebenta umano sa mga banyaga ng malalaswang materyal.

Sa halagang P3,000, pinagla-live show umano ni Emma ang anak na 3 anyos at kapatid na 7 anyos. 

Nabatid na ang mismong ang nanay ay dati rin pala na nagsho-show online para sa mga foreigner. 

Nakipagtransaksyon ang pulisya kay Emma para maisagawa ang entrapment operasyon sa bahay nito sa Taguig City. 

Ayon sa PNP-WCPC, ang mga kawani mismo ng US Homeland Security ang nakipag-ugnayan sa kanila para isuplong ang mga gawain ng suspek. 

Nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga batang biktima. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.