PatrolPH

Sulat ng House committee sa NTC para sa ABS-CBN franchise kinuwestiyon sa SC

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 07:44 PM

MAYNILA — Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ngayong Huwebes ang abogadong si Larry Gadon para hilingin na ipatigil ang pagpapatupad ng sulat ng House committee on legislative franchises sa National Telecommunications Commission (NTC) para payagan ang patuloy na operasyon ng ABS-CBN lampas ng Mayo 4, kung kailan mapapaso ang prangkisa nito.

Sa kaniyang petition for prohibition na may kasamang hiling para sa isang temporary restraining order, sinabi ni Gadon na walang kapangyarihan ang NTC na magbigay ng permit kung walang prangkisa ang network mula sa Kongreso.

Wala rin umanong pahintulot mula sa Kongreso ang liham nina House Speaker Alan Peter Cayetano at House franchise committee chairman Franz Alvarez sa NTC.

Malalabag din umano ang separation of powers ng mga sangay ng gobyerno dahil Kongreso lang ang may kapangyarihang palawigin ang prangkisa ng ABS-CBN.

Dalawang dating punong mahistrado ng Korte Suprema – sina Reynato Puno at Artemio Panganiban – ang nagsabing puwedeng pahintulutan ng Kongreso ang NTC na magbigay ng provisional permit.

Pinayuhan naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NTC na mas mainam kung may concurrent resolution mula Senado at Kamara – bagay na sinalungat din ni Gadon.

Tiwala naman ang ilang senador na kayang lampasan ang ano mang pagkuwestiyon sa legalidad ng provisional authority.

Lumusot sa Senado noong Miyerkoles ang resolusyong nagpapahayag na maaaring bigyan ng NTC ng provisional authority ang ABS-CBN.

Sa Marso 10 naman nakatakdang dinggin ng komite sa Kamara ang mga panukalang batas na layong i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Bukod sa inihaing petisyon ni Gadon, mayroon ding quo warranto petition at hiling na gag order ang Office of the Solicitor General (OSG) laban sa ABS-CBN. 

Sa Martes nakatakdang talakayin ang 2 petisyon mula sa OSG, at inaasahan ding pag-uusapan ang bagong petisyon ni Gadon.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.