Subdivisions di puwedeng hingin ang driver's license ng mga bisita: abogado

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 12:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nakagawian na ng ilang subdivision na hingin ang lisensiya ng mga motoristang bumibisita sa kanilang lugar. 

Pero paalala ng abogadong si Noel Del Prado na bawal ito sa batas. 

Sa programang "Usapang de Campanilla" ipinaliwanag ni Del Prado na mga opisyal lang ng Land Transportation Office (LTO) ang may kapangyarihang kuhanin ang lisensiya ng mga motorista. 

"Nasa kapangyarihan nila (subdivisions) na panatilihin ang kaligtasan pero sa pagkakataon na ito merong specific provision of laws na nagbabawal," ani Del Prado. 

Tinutukoy ni Del Prado ang Section 19 ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, kung saan nakasaad na LTO officials lang ang maaaring kumuha ng lisensiya ng mga motorista. 

May memorandum order din ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) na nagbabawal dito. 

Ayon sa Resolution 001 series of 2017 ng HLURB, nakasaad na bawal kunin ng mga subdivision ang mga lisensiya ng mga pumapasok na motorista. 

Nakasaad sa Section 12 ng resolusyon na: "[It shall be prohibited] to require the driver of any vehicle entering the subdivision or condominium to surrender his/her driver's license. The association is not authorized under the traffic laws to take custody, even on a temporary basis, the license issued by the Land Transportation Office." 

Kung maaari, ipinayo ni Del Prado na magbigay na lamang ng ibang uri ng ID. 

Dagdag niya, hindi naman kinakailangang government-issued ID ang i-surrender bago pumasok sa subdivision. 

Multang aabot mula P5,000 hanggang P50,000 ang maaaring harapin ng mga guwardiya o kaya ng mga homeowner official na magre-require na i-surrender ng mga bisita ang kanilang mga driver's license. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.