PatrolPH

Mistaken identity sinisilip sa pag-ambush sa van ni Kim Chiu

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 03:55 PM | Updated as of Mar 05 2020 09:25 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Hirap pa rin ang mga awtoridad sa pagtukoy ng motibo sa pananambang sa van ni Kim Chiu pero isa sa mga tinitingnan nilang anggulo ay mistaken identity.

“Ang isa naming ine-establish, kung siya nga ba talaga [ang target], napagkamalaman ba siya,” ani Maj. Elmer Monsalve, hepe ng investigation unit ng Quezon City Police District.

“Isa ‘yan sa mga bina-backtrack sa CCTV doon sa lugar na ‘yon, kung may mga dumadaan na kaparehas ng kaniyang sasakyan,” ani Monsalve.

Nakaligtas si Chiu, ang kaniyang personal assistant, at driver matapos paulanan ng bala ng mga nakamotorsiklong salarin ang sinasakyan nilang van sa may Katipunan Avenue noong umaga ng Miyerkoles.

Hawak ngayon ng Special Investigation Task Group Chiu ang CCTV footage ng paglabas ng kotse ng aktres sa Katipunan Avenue bandang alas-6 ng umaga.

Makalipas ang ilang segundo mula nang lumabas ang van sa kalsada, makikita ang isang riding-in-tandem na humahabol sa likod. Maaaring ito raw ang bumaril sa sasakyan ni Chiu, sabi ni Monsalve.

“Kung makikita mo ‘yong sasakyan ni Kim Chiu, nag-iisa lang siya. Walang katabi noong lumabas siya sa subdivision,” aniya.

“Nag-iisa lang siya. Pagkatapos, may sumunod na motor na sinasabing… maaaring iyon ang tumambang sa kaniya,” dagdag ng pulis.

Maaari rin daw may mga kasabwat ang mga nakamotrsiklong salarin na nagsilbing lookout sa sasakyan.

Lahat ng bala ay sa kanang bahagi ng sasakyan pumasok kaya maaaring alam ng gunman kung saan madalas umuupo ang kaniyang target, base sa imbestigasyon.

Ang mga makukuhang bala ay sasailalim din sa cross matching, ani Monsalve.

“Doon mo makikita ‘yong baril na ginamit, kung ginamit sa ibang krimen... Doon mo na masusundan kung sino ‘yong suspek,” aniya.

Patuloy ang pagkalap ng mga pulis ng CCTV footage sa lugar. Nanawagan din sila ng tulong mula sa mga motoristang maaaring may kuha ng insidente sa kanilang dashcam.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.