2 'snatcher' timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 05:55 AM | Updated as of Mar 05 2020 08:19 PM

Watch more in iWantTFC

Kalaboso ang 2 lalaki matapos umanong mang-snatch ng cellphone sa Malate, Maynila nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa paunang ulat ni Police Lt. Col. Samuel Pabonita ng Manila Police District Station 9, naglalakad ang biktima sa Dagonoy St. kanto ng Taft Ave. nang lapitan ng mga suspek na sina alyas Walter, 20, isang pintor at alyas Rommel, 20, isang tindero, sakay ng isang motorsiklo at hinablot ang hawak niyang cellphone.
 
Hinabol ng biktima ang mga suspek hanggang sa sumemplang ang mga ito kaya naabutan ng biktima ang dalawa. Pilit inagaw ng biktima ang ninakaw na cellphone pero sinapak siya ni alyas Rommel.

Sinubukang tumakbo palayo ng mga suspek pero hinabol sila ng mga delivery service rider. Nang maabutan ng mga rider ang dalawang suspek, nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng dalawang panig.
 
Rumesponde ang mga security guard ng kalapit na pamantasan, pinahupa ang komosyon, at inaresto ang dalawang snatcher.

Dinala sa istasyon ng pulis ang dalawang suspek na sasampahan ng kasong robbery-snatching, physical injury, at pagmamaneho ng walang lisensiya at hindi rehistradong motor.-Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.