PatrolPH

2 patay, 15 sugatan sa salpukan ng jeep at dump truck sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 07:14 AM | Updated as of Mar 05 2020 08:26 PM

Patay ang 2 pasahero at sugatan ang 15 iba pa, kabilang ang driver, ng isang jeep matapos sumalpok sa isang dump truck sa westbound Lane ng Marcos Highway, Barangay Dela Paz, Pasig City nitong Miyerkoles ng gabi. 

Dead on arrival ang biktimang si Jenny Ann Clariño, 21, at pumanaw na rin ang 31 anyos na foreman na si Joseph Amor matapos maipit sa banggaan. 

Ayon sa pinsan ni Amor na si Julie, isa rin sa mga pasahero, puno ang sasakyan at mabilis ang pagmamaneho ng jeepney driver.

Depensa naman ng nagmamanehong si Jay-r Gangan, 27, normal lang ang kanyang takbo at kasisimula pa lang ng pamamasada niya. Itinanggi niyang nakainom siya o gumagamit ng droga.

Dagdag pa ni Gangan, umiwas lang siya sa isang truck sa unahan pero hindi nakita ang isa pang dump truck na nakatigil sa gilid ng kalsada. Pilit pa niya umanong iniwasan ang nakaparadang sasakyan.

Watch more on iWantTFC

Ayon naman sa driver ng truck na si Crisanto Fajanilan, 39, itinabi niya ang sasakyan dahil pumutok ang gulong nito.

Maglalagay pa lang siya ng early warning device nang sumalpok ang jeep. Hindi naman sila nasaktan ng kasamang pahinante.
 
Dagdag pa ni Fajanilan, hinabol niya si Gangan nang tumakbo ito hanggang sa kabilang lane ng Marcos Highway. 

Hawak na ngayon ng pulis Pasig si Gangan na nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple injuries and damage to property. 

Ang mga sugatang pasahero naman ay isinugod sa mga ospital ng Pasig (Pasig City General Hospital), Marikina (Amang Rodriguez Memorial Medical Center) at Quezon City (Quirino Memorial Medical Center).-Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.