PatrolPH

10 arestado sa 'drug session' sa motel sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 07:04 AM

Huli ang 5 babae at 5 lalaki na naaktuhan ng mga awtoridad na nagsasagawa ng umano'y drug session sa kwarto ng isang motel sa Sta. Cruz, Maynila nitong Huwebes ng madaling araw. 

Ayon kay Agent Romeo Mattias Jr. ng Philippine Drug Enforcement Agency, target ng operasyon ang online casino dealer na si alyas Julie na nahuling nakikipag-inuman din habang gumagamit ng droga. 

Pinagkukunan umano siya ng droga at nag-oorganisa pa ng mga grupo para magsagawa ng umano'y drug session sa iba't ibang hotel.

Nasabat sa operasyon ang ilang tableta ng hinihinalang party drugs, mga sachet ng umano'y shabu at marijuana at mga liquid drugs na nasa mga bote ng energy drink. 

Itinanggi ni alyas Julie na nagbebenta at gumagamit siya ng droga. Nagkayayaan lang sila umano para sa kaarawan ng isa nilang kaibigan. 

Isasailalim pa sa drug test ang ibang inaresto.-Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.