'Paglalabas ng narco list labag sa Saligang Batas'

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 03:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsabi ang Malacañang na maglalabas sila ng "narco list," o umano'y listahan ng mga kandidatong isinasangkot sa ilegal na droga, bago ang halalan sa Mayo 13. 

Pero ayon kay Atty. Noel Del Prado, may ilang paglabag ang pagpapalabas nito sa Saligang Batas sapagkat hindi pa nahahatulan sa anumang korte ang mga isasangkot na kandidato. 

Dagdag niya na ang Commission on Elections lang daw ang may kapangyarihan na tukuyin kung sino ang maaari at hindi maaaring tumakbo batay sa kanilang patakaran at sa Saligang Batas. 

"May pagpapalagay ang batas na ikaw ay inosente hanggang sa ikaw ay mapatunayan (na maysala) sa korte. May karapatan kang tumakbo, kumandidato, o bumoto hanggang hindi ka napapatunayan dapat may finality ito," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM ngayong Martes. 

Ayon sa Artikulo 14 ng Bill of Rights ng Saligang Batas, pinaniniwalaang inosente ang isang kandidato hangga't hindi ito nahahatulang guilty. Batay naman sa Omnibus Election Code hindi maaaring tumakbo ang isang kandidato na nahatulan na sa ano mang kasong isinampa laban sa kaniya. 

Hindi rin daw sapat, ayon kay Del Prado, ang ano mang ihaharap na ebidensiya na makakapagpatibay sa "narco list" sapagkat dapat mahatulan munang guilty ang isang kandidato bago ito ma-disqualify sa pagtakbo. 

Kung gusto naman aniyang itulak ang kaso laban sa kandidato ay dapat daw ibigay ang mga nasabing ebidensiya sa mga korte, na siyang magdedesisyon sa kapalaran ng mga sangkot sa droga. 

Nauna nang nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi "smear campaign" o paninira sa mga kandidato ang paglabas ng "narco list."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.