Most wanted drug personality, patay nang manlaban umano sa Davao City

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 07:27 PM

DAVAO CITY - Patay ang most wanted drug personality sa Davao del Norte matapos umanong manlaban sa pulisya sa isang buy-bust operation sa Arroyo Compound dito sa siyudad Lunes.

Dead on arrival sa ospital ang suspek na si Freddie Sacurat. Nagtamo ito ng limang tama ng bala sa katawan.

Ayon sa awtoridad, ginagawa ring drug den ni Sacurat ang inuupahang kuwarto.

Hinuli rin ang lima pang kasama ng suspek sa kuwarto, maging ang kinakasama nito.

Pinabulaanan naman ng ibang nahuli ang paratang na kasabwat sila ng napatay na suspek.

Nakuha sa crime scene ang ilang pakete ng shabu may may bigat na aabot sa 15 gramo at may halagang P225,000, isang baril at mga drug paraphernalia.

Si Sacurat ang top 1 most wanted drug personality sa lalawigan dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Haharap naman sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.