Mga empleyado ng Biliran Mayor na magmo-mobile games sa trabaho sisibakin

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 02:29 PM

Naglalaro ng sikat na "Mobile Legends" ang isang gamer. File Photo: Mark Demayo, ABS-CBN News

Ika nga ng sikat na mobile game na Mobile Legends: The enemy has been slain. 

Ito ay matapos iutos ng alkalde ng bayan ng Naval sa Biliran na ipatatanggal niya ang mga empleyado ng Mayor's Office na mahuhuling naglalaro ng mobile games. 

Paliwanag ni Naval Mayor Gerard Espina na may mga mga nagsumbong umano sa kaniya na may ilang empleyado sa kaniyang opisina na naglalaro ng PlayerUnknown's Battlegrounds (PUBG) at ML sa gitna ng kanilang shift. 

 

Sa memo na ipinost sa kaniyang Facebook page, sinabi ni Espina na wala raw sa responsibilidad ng kaniyang mga empleyado bilang mga kawani ng gobyerno ang maglaro ng mobile games. 

"Let it be known to all municipal employees that this act is not included in your responsibility, obligation, and duty as public servants," ani Espina sa memo. 

Ayon pa kay Espina, inaasahan niyang mag-"level up" ang mga aniyang pinatatamaang empleyado matapos ang kaniyang utos. 

"I hope that with this memo, suspected employees will 'level up' their maturity in the seriousness of public service or 'squad up' to find a new place of employment." aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.