PatrolPH

Lalaking nanipol ng babae sa QC, hinuli

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 03:00 AM

MAYNILA - Inaresto ng mga pulis ang isang construction worker dahil sa catcalling o paninipol at pambabastos ng babae.

Kinilala ang suspek na si Jay Ar Cabesas, 20 anyos.

Ayon sa imbestigasyon, binastos ng lalaki ang isang babae noong Biyernes.

Nasa labas umano at nakikipaglaro sa mga aso ang biktima sa Santa Monica sa Novaliches.

Lumapit umano ang suspek at sinipulan ang babae.

Sinabihan ng suspek ang biktima ng, "Hello ate! Beh, ano pangalan ng aso mo? Sana aso na lang ako! Ano cellphone number mo? Akin na lang cp number mo?"

Labag ito sa Anti Catcalling Ordinance ng Quezon City.

Layon ng ordinansa na protektahan ang mga kababaihan mula sa mga pambabastos lalo na sa mga pampublikong lugar.

Humingi ng tulong ang babae sa mga pulis at ipinaaresto ang suspek.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang sa kaniya.

Pinalaya muna ang suspek habang isinasagawa ang preliminary investigation. Pero posible siyang makulong ng aabot sa isang buwan.

Hinihiyakat ng Quezon City Police District (QCPD) ang iba pang biktima ng pambabastos o catcalling na magsumbong sa kanila.

Kasama sa mga offenses sa ilalim ng ordinansa ang pagmumura, pagsipol, pang-stalk, paghingi ng number, or pagpilit sa babae na pumayag sa date, or paggawa ng nakakababastos na hand gestures.

Kung sakaling maging biktima ng catcalling, puwedeng tumawag sa Quezon City Hotline 436-7211. - Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.