Hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf group, arestado

Jewel Reyes, ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 09:51 PM | Updated as of Mar 06 2019 07:36 AM

IPIL, Zamboanga Sibugay - Arestado ang isa umanong miyembro ng Abu Sayyaf Group sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Maldimar Mahmur. Isa umano ito sa mga tagasunod ni ASG sub-leader Idang Susukan.

Inaresto si Mahmur sa bisa ng arrest warrant para sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.

Nakuha mula sa kaniya ang isang rifle grenade, fragmentation grenade, isang magazine na may 18 bala ng M-16 rifle, at isang revolver.

Sangkot din umano si Mahmur sa Sipadan hostage taking. Siya rin umano ang spotter at facilitator sa pagdukot sa dating mayor at ngayo'y vice mayor ng Naga, Zamboanga Sibugay na si Gemma Adana noong 2015.

Bukod din, sangkot rin umano ang suspek sa pagdukot sa anak ni Labason, Zamboanga del Norte Mayor Eddie Quimbo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.