Cebu Pacific nagbabala vs namemeke ng kanilang seat sale

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang Cebu Pacific sa publiko na mag-ingat sa mga nananamantala at mamemeke ng kanilang seat sale habang papalapit na ang bakasyon. 

Ayon kay Cebu Pacific spokesperson Charo Logarta Lagamon, marami na raw silang naitalang insidente ng nananamantala ng kanilang seat sale, gaya ng ikinasang seat sale mula Marso 1 hanggang 2.

Ani Lagamon, maaaring may iba sa mga umano'y scammer na galing sa mga sindikato.

"Ang dami nang insidenteng ganyan na ginagamit ang kompanya namin sa mga scam," ani Lagamon. 

Isa sa mga muntik nang mabiktima si alyas "Nicole" na nakagawian nang mag-abang ng seat sale promo. 

Kuwento niya na plano sana nila ng kaniyang mga kabarkada na mag-Boracay pero hindi siya umabot sa promo nitong nagdaang weekend. Sa dismaya, nag-comment umano siya sa kanilang Facebook page. 

Matapos nito ay may nag-message raw sa kaniya na nagpakilalang cabin crew ng nasabing airline at nag-alok na tulungan siyang makakuha ng tiket na nagkakahalagang P2,399 - 'di hamak na mas mababa sa karaniwang tiket pa-Caticlan na higit P7,000. 

"Kapanipaniwala po kasi naka-FA (flight attendant) na... Naka-uniform po siya ng airlines [sa profile picture] tapos okay siyang magsalita through chat, mapapaniwala po kayo," aniya. 

Pero nagduda na raw si Nicole nang ibigay nito ang detalye ng padadalhan ng pera para sa bayad ng tiket.

"Nagduda na po ako noong tinanong ko na pa'no ko babayaran 'yung ticket. Sabi niya po ipadala daw po through remittance," ani Nicole. 

Matapos nito ay kinompronta na ni Nicole ang umano'y flight attendant, na nam-block daw sa kaniya sa social media. 

Muling iginiit ni Lagamon na hindi sila naniningil ng bayad sa mga remittance centers. Maaaring ikasa ang mga transaksiyon sa mga awtorisadong travel agencies at sa official website ng Cebu Pacific. 

Ayon pa kay Lagamon, maaaring ginamit ng umano'y scammer ang retrato ng isa sa kanilang flight attendant para magpakilalang taga-kompanya nila. 

Dahil dito nagbabala rin si Lagamon sa kanilang mga cabin crew member na maghinay-hinay sa pagpost sa social media. 

"Malamang identity theft 'yan. Kaya pinag-iingat namin sa pagpo-post ang mga employees namin," ani Lagamon nang tanungin tungkol sa kaso ni alyas "Nicole". 

Ipinayo din ng Cebu Pacific na agad idulog sa Philippine National Police o sa National Bureau of Investigation ang mga mabibiktima ng seat sale. 

Pinayuhan din nilang maging alisto ang mga kustomer kapag nakikipagtransaksiyon para makakuha ng seat sale promo. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.