10 bayan sa Pangasinan nasa dengue watch list

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2019 07:12 PM

Sampung bayan na sa Pangasinan ang inilagay sa dengue watch list, ayon sa health office ng probinsiya.

Ito'y matapos makapagtala ng 813 suspected dengue cases sa lalawigan mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon. Isa na rin ang naitalang namatay.

Bumaba ang bilang na ito mula 903 na kaso at 5 pagkamatay dahil sa sakit sa parehong panahon noong 2018.

Ayon kay Dr. Neil Espino, Disease Surveillance Medical Officer ng Pangasinan Provincial Hospital, patuloy silang nakapagtatala ng kaso ng dengue sa lalawigan dahil may mga lugar na pinamumugaran pa rin ng mga lamok na may dalang dengue.

Kabilang sa mga bayan na nasa dengue watch list ang Bayambang, na may 92 pinaghihinalaang kaso ng dengue, at Pozorrubio at Urdaneta City na kapwa may 56 pinaghihinalaang kaso ng dengue.

Kabilang rin ang mga bayan ng Malasiqui, Lingayen, San Carlos City, Binalonan, Calasiao, Alaminos City at Sison sa binabantayan ng mga awtoridad.

Patuloy ang pagpapaalala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Provincial Health Office na ugaliin ang paglilinis ng kapaligiran para maiwasan ang pagdami ng mga pinamumugaran ng lamok.

Mainam rin umanong agad na magtungo sa mga health center sakaling makaranas ng sintomas ng dengue fever. -- ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.