SAPUL SA CCTV: Lalaking inawat sa kahalayan, namaril ng kaibigan

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 07:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaghahanap ng Quezon City police ang isang lalaking bumaril at nakapatay sa kaniyang kabarkada sa Barangay Bagong Pag-asa noong Linggo.

Ayon kay Senior Inspector Elmer Monsalve, inawat lang ng biktimang si Steven Sandig ang suspek na si alyas "Kambal" dahil binastos umano nito ang kaniyang babaeng kapatid.

"'Yong isang babae, binastos nitong suspek, kaya paglabas, sinita ng babae hanggang sa magkaroon ng sagutan. Nang magsagutan sila, dumating itong kapatid na lalaki at pinutukan," ani Monsalve.

Mabilis na nakatakas ang suspek, na bitbit pa rin ang ginamit na baril, matapos ang krimen.

Nabatid na bisita lang sa birthday party sa bahay ng biktima ang suspek.

"Sinenyasan ako [ng suspek] na gusto niyang makipagtalik kaya nabastos ako... walang kaalam-alam kuya ko eh," anang kapatid ng biktima.

Nanawagan ang Quezon City police na itawag sa kanilang Criminal Investigation and Detection Unit sa numerong 921-6146 ang anumang impormasyon sa kinaroroonan ng suspek. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.