OFW sa Kuwait 'ginutom' ng amo, patay sa sakit

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 06:40 PM | Updated as of Mar 05 2018 09:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasawi ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na tumakas sa amo dahil ginugutom umano ito.

Nagkasakit ang OFW na si Jeanette Plegaria at kalauna'y naospital para sumailalim sa operasyon.

Hindi umano sinagot ng recruitment agency ni Plegaria ang gastusin sa ospital ng OFW at sa halip, inutusan pa raw siyang tumakas sa ospital.

Pinangakuan na lang siya ng agency na tutulungan siyang makauwi ng Pilipinas.

Pero lumipas ang walong buwan, hindi pa rin nakabalik sa bansa si Plegaria.

Lumala rin daw ang kaniyang sakit at nitong Pebrero 28 ay binawian ng buhay.

Bago nito, tatlong beses din daw pinalipat-lipat ng employer si Plegaria ng kaniyang agency.

Pinasisilip ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kaso ni Plegaria.

Kapag napatunayang nagpabaya ang kaniyang recruitment agency, maaaring patawan sila ng parusa dahil responsibilidad nito ang pagpapagamot sa OFW, ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III.

Wala pang panig ang recruitment agency ukol dito.

JOANNA DEMAFELIS

Mahigit 50 recruitment agencies ngayon ang iniimbestigahan ng DOLE dahil sa iba't ibang paglabag tulad ng pagpapabaya sa OFW.

Sa kaso ni Joanna Demafelis, ang Pinay na natagpuang patay sa freezer, iginigiit ng recruiter niya na si Demafelis ang nagdesisyong manatili sa Kuwait kahit tapos na ang kontrata.

Pero ayon kay Bello, obligasyon ng agency na i-recall o pabalikin ang OFW kapag paso na ang kontrata.

Ni-recall na rin ng DOLE ang tatlong opisyal ng labor office ng Pilipinas sa Kuwait dahil sa hindi pag-aksiyon sa kaso ni Demafelis.

Hinihintay naman ngayon na ma-extradite o mapabalik ng Kuwait ang arestadong mag-asawang Syrian at Lebanese employer ni Demafelis na suspek sa pagkamatay ng OFW. 

Isa ang hustisya para kay Demafelis sa mga kondisyon ng Pilipinas bago ikonsidera ang partial lifting ng total deployment ban sa Kuwait.

Hiniling din ng Pilipinas ang pagpirma ng Kuwait sa kasunduan para sa proteksiyon ng mga OFW.

Ayon kay Bello, darating ang Kuwaiti officials sa susunod na linggo para simulan ang usapan.

Maraming skilled workers na tinamaan ng total ban ang mayroon nang work visa.

Pero pangako ng DOLE, kapag matuloy ang partial lifting ng ban ay tutulungan ang mga ito na makapagproseso ng panibagong visa para hindi masayang ang kanilang mga trabaho. 

Nauna nang hiniling ng ilang OFW sa Kuwait na huwag naman sanang pigilan maging ang pag-alis ng Pinoy skilled workers papuntang Kuwait.

Pero nararapat ding huwag munang paalisin ang mga Pinoy na magiging household service worker o kasambahay sa Kuwait hangga't hindi napipirmahan ang kasunduang mangangalaga sa kanilang kapakanan habang nagtatrabaho para sa dayuhang amo.

Sa ngayon, inaaral na ng gobyerno kung puwedeng ipadala sa Singapore at Cyprus ang mga Pinoy HSW na dapat sana'y patungo na sa Kuwait.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.