Hinihinalang drug pusher, patay sa buy-bust sa Biñan

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 04:13 PM

Patay ang isa umanong tulak ng droga matapos mauwi sa barilan ang isang buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay San Antonio, Biñan City, Laguna noong Linggo.

Binawian ng buhay ang 39 anyos na suspek na si Joel Nietes Hernandez, alyas "Topet," matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Nakipagpalitan umano kasi ito ng mga putok ng baril nang tangkain siyang arestuhin ng 2 operatibang nangpanggap na mamimili ng sachet ng shabu.

Ayon sa ulat ng Biñan police, nang ihudyat ang pag-aresto ay tumakbo si Hernandez patungo sa isang comfort room at pinagbabaril ang mga operatiba.

Kahit pinasusuko ay hindi umano nagpaawat ang suspek kaya napilitan na ang mga pulis na barilin ito.

Nakuha sa pinangyarihan ang isang kalibre .45 baril at tatlo pang sachet ng shabu.-- Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.