Dalagitang 'breadwinner' posible umanong ginahasa bago pinatay sa Bukidnon

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 01:01 AM | Updated as of Mar 05 2018 07:02 AM

Pinaglalamayan ngayon ang labi ng dalagitang pinatay sa Sitio Kibarok sa Malaybalay City. Posibleng ginahasa muna ito bago pinatay, ayon sa pulisya. Angelo Andrade, ABS-CBN News

MALAYBALAY CITY, Bukidnon - Patay na nang matagpuan ng mga awtoridad nitong Sabado ang 12 anyos na dalagita sa Barangay Casisang sa siyudad na ito. 

Huwebes pa hinahanap ang biktima pero natagpuan ito makalipas ang dalawang araw, wala nang saplot pang-ibaba at nakasandal sa isang puno, dahilan para magsuspetsa ang pulisya na ginahasa muna ito.

Ayon sa ina ng biktima, pauwi na noon galing sa eskuwelahan ang kanyang anak kasama ang kuya nito. Naglalakad lamang sila nang biglang mawala ang dalagita.

Sa pag-aakalang susunod na lang ito pauwi, nauna nang umuwi ang kuya ng biktima. Pero hindi nakarating ng bahay ang kanyang kapatid noong gabing iyon.

Sa paghahanap ng mga awtoridad sa biktima, unang nilang nakita ang gamit sa eskuwela ng bata at ang isang shorts ng lalaki. Natunton ang 56 anyos na may-ari ng shorts na si alyas "Gener."

Itinuro ni "Gener" ang isa niya pang kasama na si alyas "Joe," 50 anyos. Pareho silang "treasure hunters." Nakatakda silang sampahan ng kasong rape with homicide.

Hustisya naman ang panawagan ng mga magulang para sa kanilang anak na magtatapos na sana sa Grade 6 ngayong Marso, at una sanang tutungtong sa senior high sa pamilya bilang "breadwinner."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.