Birth registration, nais gawing libre, itala sa barangay

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 07:06 PM | Updated as of Jan 03 2020 05:38 PM

Watch more in iWantTFC

Tinatayang 7.5 milyong Pilipino ang walang birth certificate, ayon sa tala noong 2014 ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Health (DOH). 

Kabilang ang 15 anyos na si Larry Angeles sa milyon-milyong Pilipinong walang birth certificate sa bansa.

Kuwento ni Angeles, tumakas ang kaniyang nanay sa ospital noong siya'y ipinanganak dahil sa kakulangan ng pera kaya hindi na siya naiparehistro at hindi nabigyan ng birth certificate.

May pinanghahawakan noong sertipiko ng kapanganakan si Angeles pero nalaman na lang niyang peke pala ito nang mag-aaral na siya at hingin itong rekisito ng paaralan.

Noong isang taon pa lang sinimulang ayusin ang birth registration ni Angeles. 

Kuwento naman ni Shaira Len Fausto, na kabilang sa mga indigenous people mula sa Cagayan Valley, ganoon din ang sitwasyon sa kanilang lugar.

Kakulangan sa impormasyon ang binanggit ni Fausto na dahilan sa kawalan ng interes ng iba sa pagkuha ng birth certificate.

Paliwanag ng PSA, maraming benepisyo ang pagkakaroon ng birth certificate. 

Bukod sa katunayan ito ng pagkakakilanlan ng isang tao, kailangan din ang birth certificate sa pagkuha ng pasaporte, driver's license, at sa pag-e-enroll sa paaralan.

Nakakatulong din ito na mapasama sa mga benepisyo ng gobyerno tulad ng scholarship at health services. 

Ayon kay Laguna Rep. Sol Aragones, malaking problema at pangunahing dahilan pa rin ang kakulangan ng pera kaya hindi nakakapagparehistro ng kapanganakan ang milyon-milyong Pinoy.

Kaya isinusulong niya sa Kamara na gawing libre ang pagpaparehistro ng kapanganakan.

Isinusulong din ang pagpapalakas sa barangay civil registry system o iyong pagpaparehistro sa barangay para hindi na pumunta sa Office of the Civil Registrar ang mga mahihirap na pamilya.

Sang-ayon naman ang PSA sa pagpapalakas ng barangay civil registry system.

Gayunman, sinabi rin ng PSA na mas mainam pa rin kung sa local civil registry office gagawin ang pagpaparehistro.-- Ulat ni Kori Quintos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.