BFAR: Seafood mula sa Manila Bay, 'ligtas kainin'

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 10:12 PM | Updated as of Oct 30 2018 10:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala umanong kontaminasyon at ligtas kainin ang mga isdang nahuli sa Manila Bay, ayon sa ilang eskperto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Wala rin daw problema sa kalidad ng tubig sa Manila Bay. 

Pero sinabi ito ng BFAR kahit wala pa itong bagong datos kung mayroong E.coli o bacteria mula sa dumi ng tao sa Manila Bay.

Matatandaang noong 2014 at 2015, nakitaan ng mataas na antas ng E. coli ang bahagi ng Manila Bay na sumasakop sa Cavite, Bulacan, at Pampanga.

Gayunman, sinabi rin ng BFAR na dapat maging mapagmatyag din ang publiko kahit pa tuloy-tuloy ang pag-monitor ng ahensiya. 

Sabi ng BFAR, limitado ang kanilang manpower. 

Isa sa sinasabing mga dapat bantayan ay ang mga ilog na papuntang Manila Bay dahil doon karaniwang dumadaan ang mga E. coli.

Giit ng BFAR, trabaho na iyon ng mga local government unit. Iminungkahi ng BFAR na magkaroon din ng fish inspector ang bawat lokal na pamahalaang malapit sa laot para matiyak ang kalidad ng isdang nahuhuli.

Sa Laguna Lake, wala ring nakikita pang kontaminasyon ang Laguna Lake Development Authority.

Binabawasan na rin ang mga fish pen at fish cage para lumawak pa ang lugar na maaaring pangisdaan.

Mula sa 13,000 ektarya ng fish pen, nasa 9,000 ektarya na lang ito ngayon na isa sa mga nakikitang dahilan kaya tumaas pa lalo ang produksiyon ng isda sa pinakamalaking lawa sa bansa. 

-- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.