Babae patay sa hit-and-run sa Meycauayan

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 09:46 AM | Updated as of Oct 29 2018 09:06 PM

MEYCAUAYAN, Bulacan - Patay ang isang babae matapos masagasaan at makaladkad ng isang truck sa MacArthur Highway sa bayan na ito, Lunes.

Naka-angkas sa motorsiklo ng live-in partner ang biktimang si Normita Barcelona, 49, ayon sa mga imbestigador.

Posible anilang nasangkot muna sina Barcelona sa isang maliit na aksidente kaya ito bumaba ng motorsiklo at na-hit-and-run ng truck.

Nagkapira-piraso ang katawan ng biktima dahil sa lakas ng pagkakabangga.

Hindi naman mahanap ng mga awtoridad ang kasama ng biktima at motorsiklo nito.

"Nagtago po 'yung lalaki, siguro natakot sa pamilya baka s'ya sisihin," sabi ni SPO1 Filamer Guillermo.

Pero kuwento ng kapatid ng biktima na si Glen Santos, nakauwi pa ang drayber ng motorsiklo para ibalita ang nangyari. May mga galos din aniya ito.
 
"'Yung driver na buhay pa, tumungo pa sa pamangkin," sabi ni Santos.

Pauwi na aniya ang mag live-in partner nang maaksidente. Posible rin aniyang lasing ang drayber ng motorsiklo.

Hinahanap na ng mga pulis ang drayber para magbigay linaw sa kaso. Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.