3 tauhan ng MMDA na 'nambugbog' sa buko vendor, sinuspende

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinuspende sa trabaho ang tatlo sa mga operatiba ng Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos umanong mambugbog ng isang buko vendor.

Inamin ng MMDA na bagaman lumabag ang vendor na si Romnick Relos dahil sa pagtinda nito sa ilalim ng Evangelista Footbridge ay mali rin ang paraan ng pagpapaalis ng kanilang mga tauhan sa kaniya.

"Hindi ko binibigyan ng katuwiran dito iyong action ng tao namin," ani MMDA officer-in-charge General Manager Jojo Garcia.

Biyernes nang mauwi sa gulo ang pagpapaalis ng ilang tauhan ng SCOG kay Relos sa gitna ng isang clearing operation sa Pasay.

Uminit ang ulo ni Relos nang kuhanin ang kaniyang kariton.

Pero ayon sa MMDA, ilang beses na nilang pinaalalahanan ang vendor dahil bawal ang pagtitinda sa kalsada lalo at sagabal ito sa trapiko.

"Kung lahat ng naghahanapbuhay pagbibigyan natin, ano na ang mangyayari sa mga lansangan natin?" ani Garcia.

Kuwento ng enforcer na si Jun Parreño, nahuli na nila si Relos noong Agosto nakaraang taon dahil sa ilegal na pagtitinda.

"Kahit dumadaan kami doon, binabato niya kami ng buko," ani Parreño.

Sasailalim sa drug test ang mga sangkot sa insidente, kabilang ang mga operatiba at si Relos.

Planong magsampa ng kaso ni Relos laban sa mga nambugbog sa kaniyang mga operatiba.

Tiniyak naman ng MMDA na hindi sila makikialam sakaling kasuhan ang kanilang mga tauhan.

Nangako naman ang MMDA na ibabalik kay Relos ang kaniyang kariton sa lalong madaling panahon.

-- Ulat nina Kevin Manalo, Doris Bigornia, at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.