2 pinaslang sa magkahiwalay na computer shop sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 09:50 AM | Updated as of Mar 05 2018 10:14 AM

MANILA - Patay ang 2 lalaki sa magkahiwalay na pamamaril sa loob ng computer shops sa Barangay 176 sa Bagong Silang, Caloocan City, Linggo ng gabi.

Naglalaro sa computer ang medical technologist na si Jimbelle Mimay, 28, nang lapitan siya at barilin sa ulo ng lalaking naka-sombrero at itim na jacket sa Phase 1, ayon sa mga testigo.

Naglakad lang anila palayo ang gunman bago sumakay sa tricycle na naghihintay sa kanto.

Dating may nakaalitan si Mimay dahil sa larong Defense of the Ancients (DOTA), sabi ng kaniyang ina.

Samantala, naglalaro rin sa computer shop sa Phase 8 si Bryan Buluran, 24, nang barilin siya sa ulo.

Nakasuot ng sombrero at jacket na blue ang salarin at may takip sa mukha.

Walang naikukuwentong kaalitan si Buluran, sabi ng kaniyang pamilya.

Iniimbestigahan pa kung konektado ang 2 pamamaslang.

Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.