Suspek sa QC road rage, nakaalis na umano sa Boracay

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2017 06:05 PM

MANILA - Matapos ang ilang araw na pagtatago, nakaalis na sa Boracay si Fredison Atienza, suspek sa pagpatay sa nakaaway na motorcycle rider sa Quezon City, batay sa impormasyong nakarating sa pulisya. 

Ayon sa mga pulis, Sabado pa nakaalis si Atienza mula sa Boracay, pero hindi pa matukoy kung anong sinakyan nito paalis. 

"We received info he already departed from the island of Boracay," ani Insp. Jess Baylon ng Boracay Tourist Action Center. 

"Maybe because of his connections, one of his friends in the island, may capacity to transport him in a private maritime vessel." 

Bukod sa posibilidad na tumakas si Atienza sakay ng pribadong sea vessel, tinitingnan din ng pulisya ang posibilidad na sumakay ng eroplano ang suspek gamit ang ibang pangalan. 
 
Ito'y dahil na ring walang nakuhang impormasyon ang police Aviation Security Group na dumaan si Atienza sa Kalibo International Airport. 

"Chineck namin ang mga airlines, wala si atienza," sabi ni P02 Jason Reyes ng Avsegroup. 

Nag-request na ang Boracay police ng CCTV footage sa paliparan. 

Pebreo 25 nang muntikang mabangga ng sports utility vehicle ni Atienza ang motorsiklong sinasakyan ng IT professional na si Anthony Mendoza sa Quezon City.

Sinasabing binaril ni Atienza si Mendoza sa gitna ng kanilang pagtatalo, dahilan para agarang mamatay ang 27-anyos na biktima. 

Nakakuha ang pulisya ng mga litratong nagpapakitang nanuluyan si Atienza sa 3 hotel sa Boracay, pero tumanggi ang mga establisyemento na ipakita ang kanilang mga guest list at CCTV footage.  

Umaasa ang mga pulisya na magbibigay na ng kooperasyon ang mga resort owners sa mga kahalintulad na manhunt operation. 

Maaari anilang maapektuhan ang reputasyon ng Boracay kung magmimistulan itong pugad ng mga hinihinalang kriminal. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.