Suspek sa pagpatay sa Masculados Dos member, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2017 08:39 AM | Updated as of Mar 05 2017 08:50 AM

Marcelo "Ozu" Ong. File Photo.

MANILA - Naaresto ng mga awtoridad sa Quezon City, Linggo ang suspek sa pagpatay kay Marcelo "Ozu" Ong, miyembro ng Masculados Dos entertainment group.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa kinaroroonan ng suspek na si Kristopher Ernie sa kanyang bahay sa North Fairview Subdivision.

Nalaman ng pulisya na armado at mapanganib si Ernie kaya't agad silang nagsagawa ng surveillance sa lugar hanggang sa ma-korner ang suspek sa isang bakanteng lote sa Atherton Street, Barangay Sta. Lucia.

Sa bisa ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court Branch 70, naaresto si Ernie at 2 niyang kasamahan sina Joselito Pangilinan at Reedlani Eclarenal.

Nakatakas naman ang isa pang kasama nilang si Dennis Franco.

Inilabas ang arrest warrant kay Ernie noong nakaraang Nobyembre kaugnay ng carjacking incident na ikinamatay ni Ong at seaman na si John Agbayani sa Angono, Rizal noong Agosto 2015.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 na baril, isang fan knife, 6 sachet ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia at 2 sasakyan.

Ayon sa pulisya, nauna nang naaresto ang grupo ni Ernie noong 2015 dahil sa droga, pero nakalaya rin. -- Angel Movido, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.