TAIWAN – Natuloy pa rin ang Sinulog Parade sa Taipei sa gitna ng maulan at malamig na panahon at sa kabila ng pagkakansela rito noong Enero dahil sa pandemya. Labing-apat na grupo ang lumahok.
Ang Santo Niño Beats for Peace Festival in Taipei ay itinuturing na mahalagang parte ng ating kultura at tradition.
“…napaka-importante na ating pangalagaan ang ating kultura at mga tradisyon upang di malimutan ang ating pagka Pilipino saang lupalop man ng mundo,” ani Teodoro Javellosa, Jr., Deputy Resident Representative ng MECO Taipei.
Ang Sinulog Festival sa Taipei ay isa sa pinakamalaking event na inorganisa ng MECO kasama ang Taipei City government sa pagluwag ng COVID-19 restrictions.
“This is our first time hosting the traditional Filipino festival with MECO in Taipei. I think this is a very good beginning. This festival embodies the spirit of joy, peace, and gratitude. This spirit is exactly what the Taipei City government wishes to foster among its citizens,” pahayag ni Ambassador Tom T.C. Chou, Commissioner for External Affairs, International and Mainland Affairs ng Taipei City.
Hindi lang pagalingan ng performances ang labanan, lumabas din ang pagiging creative ng mga kalahok gaya ng paggamit ng mga recyclable material sa kanilang costumes. Itinanghal na grand champion ang FMTA or Filipinas Married to Taiwanese Group na nag-uwi ng 30 thousand Taiwan dollars o katumbas ng 50 thousand pesos. Ayon sa MECO, mula ngayon, ang Sinulog Festival sa Taipei ay magiging yearly event na dapat abangan ng lahat.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.