PatrolPH

Truck nawalan ng preno sa Occidental Mindoro; 2 patay

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2021 01:34 AM

Truck nawalan ng preno sa Occidental Mindoro; 2 patay 1
Kuha ni Ronald Macaraeg

Patay ang isang drayber at pahinante ng isang double decker truck matapos mawalan ng preno ang kanilang sasakyan sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang driver na si Jomar Berimbuela, 30, at ang pahinante na si Arnel Noreno, 31.

Ayon sa pulisya, binabaybay ng dalawa ang pababang bahagi ng daan sa bundok sa Brgy. Nicolas, nang mawalan sila ng kontrol sa truck. Nagpagiwang-giwang sila hanggang bumangga sa isang konkretong bakod bago tumagilid.

Nawasak ang harapan ng truck kung saan naipit ang mga biktima. 

Dinala sila ng rescue team sa pagamutan pero binawian din sila ng buhay.

Lulan ng truck ang nasa 40 na mga motorsiklo na ide-deliver sana sa bayan ng San Jose. Galing umano sila sa Oriental Mindoro matapos mag-deliver din doon ng mga motorsiklo.

Ayon sa pulisya, pagmamay-ari ng Becker Cargo Logistics Corp. ang truck, at unang beses pa lamang bumiyahe ang mga biktima.

MULA SA ARKIBO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.