Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano noong Setyembre 29, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News
MAYNILA — Hindi pa kailangang isailalim sa enhanced community quarantine o mas mahigpit na lockdown ang Pasay City, sabi ngayong Huwebes ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Reaksiyon ito ng alkalde sa suhestiyon ng ilang eksperto matapos maitala sa lungsod ang 4 na kaso ng mas nakahahawang South African variant ng SARS-COV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19.
Ayon kay Rubiano, hindi lang ang lokal na pamahalaan ng lungsod ang magpapasya kung hihigpitan ang lockdown restrictions sa lungsod dahil kailangan ding may rekomendasyon mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Nakarekober na rin aniya sa sakit ang 4 na kaso ng South African variant.
Sa ngayon, 543 ang bilang ng active cases ng COVID-19 sa Pasay. Sa kabuuan, nakapagtala ang lungsod ng 8,278 kumpirmadong kaso, kung saan 7,519 ang gumaling na.
Nasa 210 kabahayan ang apektado ng mga lockdown na ipinatupad ng city government sa 77 barangay.
Samantala, higit 500 medical frontliner naman sa lungsod ang nabakunahan na kontra COVID-19 gamit ang bakuna ng Sinovac.
-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, metro, metro news, local governments, Pasay, Emi Calixto-Rubiano, quarantine restrictions, enhanced community quarantine, Pasay lockdown, Covid-19, Pasay Covid-19 cases, coronavirus disease, Covid-19 South African variant, TV Patrol, Raphael Bosano