Lalaki patay sa pangunguryente ng isda sa Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2021 02:11 AM

Patay ang isang lalaking nangunguryente ng isa matapos aksidente ring makuryente.

Imbes na manghuli ng isda gamit ang kuryente, ang 56 taong gulang na si Ernesto Bonggoyon ang nabiktima nito na sanhi ng kaniyang pagkamatay nitong Martes ng gabi.

Nangyari ang insidente sa Blocon River sa Barangay Poblacion sa bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur, kung saan kasama ng biktima ang kaniyang kapitbahay sa pangingisda.

Ayon sa pulisya, ginamit nila sa panghuhuli ng isda ang live wire na nakakonekta sa kuryente ng bahay ng biktima.

Pero bigla umanong nangisay at nakuryente si Bonggoyon hanggang sa mawalan ng malay.

Nagpaalala si Police Major Jeffmar Tercero, hepe ng Magsaysay Police, na iwasan ang pangingisda gamit ang elektrisidad dahil ilegal ito.

Umaasa siyang magsisilbing leksyon para sa lahat ang naturang insidente.

- ulat ni Hernel Tocmo

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.