Bagong pag-asa: Tsuper na namalimos ng magtigil-pasada dahil sa pandemya, hinandugan ng food cart

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2021 11:43 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nabigyan ng panibagong pag-asa ang sa isa mga jeepney driver na naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Nitong nakaraang linggo, nakatanggap ang driver na si Rodel Roldan ng food cart para masimulan ang kaniyang fishball business.

Si Roldan ay isa sa mga namamalimos na driver matapos na hindi pa mapayagang makabiyahe. Ginawa umano niya ang pamamalimos para may pangtustos sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Bukod sa pandemya, naaksidente rin si Roldan matapos mahulog sa trak.

Sa tulong ng programang Kabayan sa TeleRadyo at ng Pilipinas Shell Foundation Incorporated, natugunan ang hiling ni Roldan na magkaroon ng puhunan para sa nais na fishball business. 

“Sumasapat naman po, kahit papaano naibibigay ko pangangailangan ng mga bata saka nakakakain kami nang maayos sa araw-araw. Malaking bagay po itong pinagkaloob ninyo sa amin,” sabi ni Roldan.

Sa TeleRadyo, ikinuwento ni Roldan na gumigising siya bago mag alas-9 ng umaga para ayusin ang mga gamit sa pagtitinda. Nagtitinda siya sa labas ng kanilang bahay o minsan sa kabilang kalsada kung saan aniya maraming tao.

“Ok naman po kasi marami akong kasamahang driver na bumibili pa rin kahit papaano,” sabi niya.

Magtatapos ang kaniyang pagtitinda alas-6 ng gabi.

May dalawang dekada ng driver ng jeep si Roldan at inaming nahirapan ng kaunti sa pagsisimula ng bagong pagkakakitaan.

“Noong unang araw, nangangapa-ngapa pa ako, medyo hirap pero itong mga sumunod na araw medyo nasasanay-sanay na ako. Inabot nga ako ng paso, tiyaga lang po. Nasasanay-sanay na,” sabi niya.

Laking pasalamat niya sa tulong na natanggap na kaniya umanong pagtutuunan ng pansin habang hindi pa siya makabalik para makabiyahe sa jeep.