5 sundalo nasugatan sa engkwentro laban sa Dawlah-Islamiya sa Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2021 04:40 AM | Updated as of Mar 04 2021 05:48 AM

Limang sundalo ang nasugatan matapos maka-engkwentro ng militar ang ilang miyembro ng Dawla-Islamiya Maute terrorist group sa bayan ng Madalum, Lanao del Sur nitong Miyerkoles. 

Ayon sa Philippine Army, nagsagawa ang mga tropa ng 55th Infantry Battalion ng combat operations matapos nilang makatanggap ng ulat sa presensya ng mga armadong lalaki sa Barangay Tamporong.

Naka-engkwentro nila ang mga bandido at umabot sa limang oras ang bakbakan. Nilapatan agad ng atensyong medikal ang mga nasugatang sundalo.

Wala pang naitalang casualty sa panig ng mga terorista. Nakatakas ang mga bandido pero narekober ng mga sundalo ang ilang improvised explosive devices, paraphernalia, mga bala, food rations, at mga personal na gamit.

Nagulat din ang mga sundalo sa narekober na duyan para sa sanggol na pinagkampuhan ng mga terorista.

Isang miyembro ng naturang terrorist group naman ang sumuko sa militar sa Barangay Matampay sa bayan ng Munai, Lanao del Norte noong Martes. Kinilala siyang si “Dimakuta”, 40, residente ng Lanao del Sur.

Sinuko niya ang isang Norinco AK-47 rifle, bandolier at dalawang magazines. 

Na-recruit umano siya na sumapi sa mga terorista noong 2019 dahil sa kanyang warrant of arrest sa kasong kidnapping. 

Sumuko umano siya dahil sa hirap ng buhay sa bundok at gusto na niyang makapiling ang pamilya. 

Isasali sa livelihood program ang mga sumuko hanggang sa makabalik sa komunidad--Ulat ni PJ dela Peña


MULA SA ARKIBO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.