PatrolPH

‘Publiko dapat alam ang mga kemikal na ginamit sa food packaging’

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2020 05:24 PM | Updated as of Mar 04 2020 07:46 PM

‘Publiko dapat alam ang mga kemikal na ginamit sa food packaging’ 1
Nagsama-sama ang mga environment at public health advocate para ipanawagan sa mga manufacturer na maging transparent sa mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng mga food packaging o lalagyanan ng pagkain. ABS-CBN News

Nanawagan ang mga environment at public health advocate sa mga manufacturer ng mga produktong pagkain na ipaalam sa publiko ang mga kemikal na ginamit sa paggawa ng food packaging, na anila ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng tao.

Lumabas kasi sa isang pag-aaral na umaabot sa 12,000 kemikal ang ginagamit sa paggawa ng mga food packaging at madalas ay naisasalin sa pagkain ang mga kemikal na ito, na maaaring magdulot ng peligro sa kalusugan gaya ng kanser at mga sakit sa puso.

“Isa sa ating call ay iyong transparency at traceability kasi iyon ang kinakatakutan natin – karamihan sa chemicals na nandito sa packaging na ito ay hindi natin alam at ang mga kompanya ang puwedeng magsabi nito,” sabi ni Froilan Grate, coordinator ng Global Alliance for Incinerator Alternatives sa Asia-Pacific region, sa panayam ng ABS-CBN News.

Dapat din daw mas higpitan ng pamahalaan ang pagsusuri sa mga klase ng packaging na ibinebenta sa mga pamilihan.

Kabilang ang grupo nina Grate sa higit 200 organisasyon mula sa higit 50 bansa na layong imulat ang mas maraming tao sa mga peligrong dulot ng food packaging at nananawagan ng transparency sa mga kemikal na ginagamit sa mga ito.

“Ito’y hindi lamang issue ng basura, hindi lamang issue ng kalikasan kundi sa health,” ani Grate.

Watch more News on iWantTFC

Kasama umano sa mga delikadong plastic packaging ay iyong mga ginagamit sa processed food products gaya ng noodles, mga biskuwit, at kendi, na kadalasan ay single-use o tinatapon agad matapos gamitin.

Ang pagsalin ng mga kemikal mula sa packaging papunta sa pagkain ay depende umano sa temperatura, storage time o tagal ng pagkakaimbak, at mga sangkap ng pagkain.

Halimbawa ay mas marami umanong kemikal ang nasasalin sa pagkain kapag mas maliit ang packaging dahil masyado itong dikit sa pagkain.

“There is an accute or chronic effect... It will develop [an] illness or impact in the health of the individual. And then, it’s already in the end stage so it’s very difficult to manage,” anang doktor na si Rogelio Dazo, dating tagapamuno ng Philippine Medical Association.

Ayon sa mga grupo, puwedeng gamitin ng mga manufacturer ang mga alternatibo sa single-use plastic gaya ng mga materyales na biodegradable o iyong mga madaling i-recycle gaya ng papel.

Dapat na rin daw iwasan ang paggamit ng mga lalagyan ng pagkain, kutsara at tinidor na gawa sa plastik – maging ang mga plastic straw – dahil mayroon nang mga alternatibo sa mga ito na mas eco-friendly at hindi nakasasama sa kalusugan. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.