Hot meat at nabubulok na karneng manok nakumpiska sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2020 06:24 PM

Ililibing ng City Veterinary's Office ang nakumpiskang mishandled at nabubulok na karneng manok Sa Cagayan de Oro City. Angelo Andrade, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY - Naharang ng City Veterinary Office ang isang van na naglalaman ng higit sa 3,000 kilong nabubulok at mishandled na karneng manok sa labas ng Cogon market, Cagayan de Oro City, Miyerkules ng umaga.

Nakasilid ang karne sa mga supot. Higit 1,000 kilo ng karneng manok ay nangangamoy at halos nabubulok na, habang higit 2,000 kilo naman ang 'hot meat' dahil wala itong meat inspection certificate.

"Hinanapan namin ng meat inspection certificate ang mga nagtitinda sa loob. Wala daw kasi nasa mga meat van. Kaya lumabas kami. Upon checking sa isang meat van, walang meat inspection certificate at spoiled almost half (ng nasa loob) sa meat van," sabi ni Dr. Darryl Rasay, Senior Meat Control Officer ng City Veterinary Office.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang driver at pahinante ng van, pero inamin nilang galing ang karga nilang karne sa bayan ng Tagoloan sa Misamis Oriental at dadalhin sana patungong Marawi City.

Ililibing ng City Veterinary Office ang nakumpiskang karne, habang patuloy pang iniimbestigahan ang may-ari nito na kakasuhan ng paglabag sa Meat Inspection Code of the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.