ALAMIN: Katuturan ng prenuptial agreement o 'prenup'

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2020 12:42 PM

MAYNILA - May iilang mag-partner na pinipiling gumawa ng legal na kasunduan tungkol sa namamanang ari-arian bago ikasal. 

Ito ang prenuptial agreement - o kung tawagin ay "prenup" na karaniwang "legal safeguard" sakaling may hiwalayang mangyari pagkatapos ng kasal, ayon sa abogadong si Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla." 

Ayon kay Castro, tinitiyak ng prenup na maayos ang hatian ng ari-arian sa mag-asawa. 

"May mga mag-partner na iniisip nila na 'teka ikaw may property ka, ako may property rin' siguro better na kung ano ang property na namana ko sa pamilya ko ay sa'min lang," ani Castro.

Ayon sa Family Code of the Philippines, kapag kinasal mula Agosto 3, 1988 nang walang prenup sa pagitan ng mag-asawa, maituturing na pag-aari ng parehong mag-asawa ang namamana mula sa sari-sariling magulang.

"Sa lahat ng ari-arian na nakuha noong dalaga siya at noong binata siya kung walang prenuptial agreement 'pag kinasal kanila na. 50-50 yon," paliwanag ni Castro. 

mayroon ding ilan na ayaw nila ng prenup dahil para sa kanila, kawalan ito ng tiwala sa partner na alagaan ang napaghahatiang ari-arian, ayon kay Castro. 

Pero iginiit ng abogado na kaakibat ng pagkakaroon ng prenup ang pagiging "praktikal."

"Minsan kasi ganyan ang nangyayari kapag nagkakahiwalay pero sometimes we have to be practical on these things," aniya. 

Kapag kasi aniya humantong sa hiwalayan, mas madaling maaayos ang mga sigalot sa ari-arian. 

Halimbawa rito ayon kay Castro ay sakaling malugi ang isang negosyo. 

"Hindi sila mahihirapan magcompute kung ano ang sayo ano ang kanya. It happens kaya ito meron tayo klaseng batas. Alam nila ang puwedeng mangyari," ani Castro. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.