4 na sundalo sugatan sa pananambang sa Guihulngan

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2020 06:32 PM

GUIHULNGAN CITY, Negros Oriental - Sugatan ang apat na sundalo matapos tambangan ng mga miyembro ng New People's Army sa lungsod na ito Martes ng gabi.

Alas-10:40 nang pinasabugan ng umano'y improvised explosive device ng NPA ang trak na sinasakyan ng isang squad ng 94th Infantry Battalion sa Sitio Compound, Barangay Luz.

Pagkatapos nito, pinagbabaril pa ang trak ng militar ng limang miyembro ng NPA.

Nagtagal nang 10 minuto ang putukan sa gitna ng militar at ng NPA.

Ayon sa militar, sugatan sina Second Lieutenant Neil Christian Cureg, Sgt. Ronald Sabay, Sgt Gelmart Alegroso at Private First Class Joven Ticzon.

Dagdag pa nila na may dalawang NPA ang namatay.

Narekober sa lugar ang ilang mga gamit para sa IED.

Inamin naman ng NPA ang pananambang sa mga sundalo, bilang ganti umano sa pag-torture ng mga ito sa dalawa nilang mga kasamahan sa Barangay Binobohan noong nakaraang Biyernes.

Sinabi rin ng NPA na may dalawang mga sundalong namatay sa pananambang pero pinabulaanan ito ng militar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.