Inakalang pinto ng CR, daanan pala ng elevator; arkitektong bumagsak, patay

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2019 08:28 PM | Updated as of Mar 05 2019 12:16 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasawi ang isang arkitekto matapos mahulog sa elevator shaft na inakala niyang comfort room sa Quezon City noong Sabado.

Kagagaling lang sa gym ng biktimang si Michael Alfonso kasama ang kaibigang si alyas "Jojo" nang mangyari ang insidente sa isang gusali sa Cubao.

"He suddenly opened the door and then he took a peek, sabi niya, 'CR ba to?' and then 'yon na nga," ani "Jojo."

Sa mga retratong kuha sa pintuan kung saan nalaglag si Alfonso, kitang isang pangkaraniwang pintuan lang ito na nasa tabi ng elevator ng ika-2 palapag. Wala ring palatandaang ito ay mistulang bangin sa loob ng gusali.

Umabot umano ng isang oras bago naalis ang biktima sa shaft. Naisugod siya sa pagamutan pero binawian din ng buhay.

Sinimulan nang mag-imbestiga ng Quezon City police at nakipag-ugnayan na sa building security.

Katuwiran umano ng security, hindi na kailangan ng warning signage ng pintuan.

"Based doon sa security, naka-lock po iyon," ani Police Major Mario Manipon.

Inaalam din kung paano nabuksan ng biktima ang pintuan.

Posibleng makasuhan umano ang service provider ng elevator ng gusali.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng administrator ng gusali pero tumanggi muna silang humarap sa media.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.