PatrolPH

Dating pulis kasama sa 4 timbog sa drug den raid sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2019 05:17 PM | Updated as of Mar 04 2019 07:57 PM

Dating pulis kasama sa 4 timbog sa drug den raid sa Bacoor 1

(UPDATED) Apat na tao, kabilang ang isang dating pulis, ang naaresto matapos salakayin ang isang drug den sa Bacoor City, Cavite, sabi ngayong Lunes ng pulisya.

Kinilala ng Bacoor police ang mga naaresto bilang sina dating Police Officer 1 Jerome Canlea, Sangguniang Kabataan kagawad na si Erick Navas, basketball referee na si Elino Calara, at ang umano ay operator ng drug den na si Jayson Guilas.

Ikinasa ang operasyon sa drug den sa Barangay Alima kasunod ng mga sumbong ng mga residente, ayon sa pulisya.

Higit P50,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa pagsalakay.

Dati umanong nakatalaga sa Capalonga Police Station sa Camarines Norte si Canlea hanggang sa mag-AWOL o lumiban nang walang paalam noong 2015 at tuluyang masibak noong 2016, ayon kay Lieutenant Colonel Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Natutong gumamit si Canlea ng droga matapos magsilbing anti-drug operative, ani Cabatingan.

Kinasuhan ang apat ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.