16-72 oras na water interruption sa QC, Valenzuela magsisimula Lunes

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2019 11:28 AM

MANILA - Magsisimula ngayong Lunes ang 16 hanggang 72-oras na water service sa ilang bahagi ng Valenzuela at Quezon City, ayon sa Maynilad.

Batay sa abiso ng kumpanya, mawawalan ng tubig mula alas-10 Lunes ng gabi hanggang Marso 6, alas-4 ng madaling araw ang Barangay Ugong, Valenzuela, partikular ang Hobart Phase 1 and 2 at ang Doña Marciana Subdivision.

Parehong petsa at oras din ang ipatutupad na service interruption sa ilang barangay sa Quezon City, kabilang ang:

Bagbag
Bagong Silangan
Greater Fairview
Gulod
Holy Spirit
Nagkaisang Nayon
North Fairview
San Bartolome
Santa Lucia
Santa Monica
Sauyo
Talipapa

Aabutin naman ng 3 araw ang water interruption sa iba pang lugar sa Quezon City, mula alas-10 ng gabi, Marso 4 hanggang alas-10 ng gabi, Marso 7. Apektado rito ang mga barangay Batasan Hills, Commonwealth at Payatas.

Ang water service interruption ay bunsod ng gagawing temporary shutdown ng Maynilad sa kanilang North CP at Commonwealth pumping stations bilang bahagi ng major repair works at maintenance activities.

Maaaring maantala ang pagbabalik ng suplay ng tubig sa mga nabanggit na lugar depende sa taas nito, layo sa pumping stations, at dami ng gumagamit ng tubig.

Pinapayuhan ang mga maaapektuhang residente na mag-ipon na ng sapat na tubig na kanilang kakailanganin.

Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News