6 hinihinalang NPA inihabla sa Negros Oriental

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 03:49 PM | Updated as of Oct 27 2018 08:17 PM

MABINAY, Negros Oriental - Pormal nang sinampahan ng reklamo ang 6 na hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa bayang ito. 

Nahaharap sa kasong illegal posession of firearms and explosives ang 6 umano'y rebeldeng nahuli sa Barangay Luyang nitong Sabado matapos ang maikling palitan ng putok sa mga awtoridad.

Kabilang sa mga kinasuhan ang isang 21 anyos na babae. Giit niya, nasa barangay sila para makipag-usap sa mga magsasaka tungkol sa kanilang problema at sa mga posibleng solusyon na magagawa.

Nang tanungin kung sa kanila ang mga armas, sabi ng babaeng suspek na hindi ito kanila kundi sa "organisasyon." Hindi na niya nilinaw kung NPA ba ang tinutukoy niyang organisasyon. 

Una nang iginiit ni General Eli Losanes ng Philippine Army 303rd Brigade na balak gumawa ng NPA ng bagong grupo sa lugar kaya nagrerekrut sila ngayon doon. 

Nang sampahan ng reklamo sa piskalya, iginiit ng mga suspek ang kanilang karapatan para sa preliminary investigation. Magsusumite sila ng kontra salaysay kay Fiscal Cathy Samson ang 6 sa Marso 19.

Pansamantalang nakadetine sa Negros Oriental Provincial Jail ang mga suspek hangga't hindi pa naiaangat ang kaso sa korte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.