3 granadang napulot, muntik maipanggatong

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 04:11 PM

Napulot ng mga construction worker ang 3 granada sa isang bakanteng lote sa Ilocos Norte. ABS-CBN News

SAN NICOLAS, Ilocos Norte - Muntik nang gawing panggatong ng dalawang construction workers ang 3 granada na napulot nila sa bakanteng lote sa bayan na ito ngayong Linggo ng umaga. 

Nagsesemento ng kalsada ang mga construction worker at magluluto na sana ng alketran nang makita ang isang plastic bag. 

"Nagluluto rin kasi sila ng alketran kaya naghahanap sila ng panggatong at noong nakita nila ito muntik nilang gawing panggatong kasi pahaba," sabi ni PO2 Macadangdang. 

Di akalain ng mga trabahador na 2 rifle grenade at isang hand grenade ang laman ng plastic bag. 

"Buti binuksan nila at sa gulat, naihagis pa nila ito," dagdag ng imbestigador. 

Maaari aniyang itinapon ng may-ari ang mga pampasabog dahil walang lisensya ang mga ito. 

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga granada. 

Paalala ng mga awtoridad sa publiko, huwag galawin o hawakan ang anumang klase ng pampasabog na matatagpuan at bagkus ay agad itong iulat sa pulisya.

Ulat ni Kim Lorenzo II, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.