2 patay, 11 sugatan sa mga naaksidenteng sasakyan sa N. Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 10:11 AM

MANILA - Dalawa ang patay at 11 ang sugatan sa 3 magkakahiwalay na aksidente ng mga sasakyan sa North Cotabato mula Biyernes hanggang Sabado.

Nangyari ang unang aksidente bayan ng Mlang, kung saan bumangga ang isang pick-up truck sa pa-U turn na dumptruck at isang tricycle, Biyernes ng umaga.

Nasugatan ang mga driver ng pick-up truck at tricycle gayundin ang 6 pang pasahero.

Dakong alas-5 ng hapon, nagsalpukan naman ang isang drump truck at motorsiklo sa Barangay New Panay, Tulunan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinubukan ng motorsiklo na mag-overtake sa trak. Pero nabangga ng motorsiklo ang isang aso, dahilan para masalpok ito ng dump truck.

Nadali ng truck ang ulo ng motorcycle rider na nasawi agad. Sumuko naman sa pulisya ang driver ng dumptruck.

Sa bayan naman ng Makilala, isa ang patay habang 3 ang sugatan nang maaksidente ang isang dump truck at cargo truck nitong Sabado.

Sinasabing nawalan ng kontrol ang driver sa dump truck kaya ito bumangga sa cargo truck na may kargang 500 sako ng fertilizer.

Dead on the spot ang driver ng dump truck habang sumasailalim pa sa imbestigasyon ang cargo truck driver.

May ulat nina Arianne Apatan at Noel Elvena, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.