16 anyos, 'ginahasa ng nobyo at mga kasamahan'

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ng 16 anyos na dalagita ang umano'y panggagahasa sa kaniya ng nobyo at apat nitong kasamahan sa Bugasong, Antique.

Kuwento ng biktimang si alyas "Nene," namamahinga siya sa lilim ng isang puno noong Pebrero 27 nang biglang puntahan ng 17 anyos na nobyo.

Dinala raw siya ng nobyo sa tabi ng ilog sabay tinawag ang apat niyang kasamahan.

Ayon kay Nene, nagpumiglas siya nang simulan ng grupo ang kahalayan pero wala siyang nagawa.

Galit na galit ang pamilya ni Nene nang malaman ang sinapit ng dalagita.

Agad naaresto sa operasyon ng pulis ang apat sa limang suspek.

Menor de edad ang dalawa sa mga nahuli kabilang ang sinasabing boyfriend ng biktima.

Mariing itinanggi ng mga suspek ang akusasyon.

Pero ayon sa Bugasong police station women and children's protection desk, base sa resulta ng medical examination, mayroong senyales na pinagsamantalahan ang biktima.

Kinasuhan na ang mga suspek ng rape. 

Nasa Aklan Rehabilitation Center na ang dalawang suspek, habang nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang menor de edad.

Pinaghahanap ang isa pang suspek sa kaso.

-- Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.