Mga labi ni ‘barrio dok’ Dreyfuss Perlas, dumating na sa Aklan

Jenel Baclay, ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2017 06:12 AM

Sinalubong ng kanyang mga kaanak at kaibigan ang bangkay ni Dreyfuss Perlas, isang doktor na namatay sa pamamaril nitong nakaraang linggo, nang dumating ito sa kanilang bahay sa bayan ng Batan sa Aklan, Sabado ng umaga.

Sinamahan ng ilang katrabaho ang bangkay ng doktor mula sa Lanao del Norte, kung saan siya dati nagtatrabaho bilang "Doctor to the Barrio."

Ayon kay Normida Abdulbasit, rural midwife ng bayan ng Sapad, hindi pa nila tanggap ang pagkamatay ng kanilang municipal health officer. Masakit mawalan ng isang masipag na doktor tulad ni Perlas, aniya.

Nangangamba rin sila kung may doktor pang handang maitalaga sa kanilang lugar, matapos ng madugong pagkamatay ni Perlas. 

Patuloy namang nanawagan ng hustisya ang mga kamag-anak nito, lalo na at hindi pa nahuli ang mga salarin.

Huwebes ng gabi nang pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa Lanao del Norte si Perlas, habang sakay sa kanyang motorsiklo.