Civilian task force, binuo para tumulong sa pagkontra sa iligal na droga

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2017 08:50 PM

Inilunsad ang Task Force Crusaders (TFC) Sabado ng umaga sa pangunguna ni retired Gen. Romeo Maganto, bilang suporta sa pulisiya at sa mga programa ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga, korapsyon, terorismo, at kriminalidad.

Ayon kay Maganto, ang TFC ay isang “overt civilian component” o grupo na binubuo ng mga sibilyan. Ito ay mayroon umanong 150,000 aktibong kasapi sa buong bansa. 

Una itong inilunsad noong Agosto 2016, kung saan libre nilang ibinigay ang kanilang serbisyo laban sa kriminalidad. 

Dagdag ni Maganto, hinihikayat din ng TFC ang mga kabataan upang maiwas sa droga sa pamamagitan ng leadership training na ibinibigay nila.

Naging matagumpay din umano ang task force sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya, katulad na lamang ng kapulisan, Philippine Drug Enforcement Agency, at National Bureau of Investigation, sa pagpuksa ng terorismo at kriminalidad.