Angel Manalo, 26 iba, sinampahan na ng kaso

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2017 04:33 PM

Sinampahan na ng mga pulis ng kaso ang 27 sa mga nahuling dating miyembro ng Iglesia Ni Cristo, kabilang si Angel Manalo, ang tiniwalag na kapatid ng Iglesia ni Cristo executive minister Eduardo Manalo.

Dalawang lalaki ang sinampahan ng kasong frustrated murder, direct assault, at illegal possession of firearms, habang 25 naman ang sinampahan ng kasong illegal possession of firearms, kasama si Manalo.

Sa Lunes inaasahang kikilatisin ng piskalya ang mga sinampang kaso.

Hindi pinayagan ang media na makapasok sa loob ng himpilan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng mga pulis, dahil mahigpit ang seguridad dito.

Nanatili sa detention area ng CIDU ang mga nahuli. Mula sa 32 na dinala sa CIDU, may ilang menor de edad na nailagay na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development. Tatlong babae naman ang umanong nakaalis na.