PatrolPH

Metro Manila leaders naghahanda na sa tigil-pasada sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2023 02:44 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Tiniyak ng samahan ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na handa sila sa pagbibigay ng libreng sakay para sa mga commuter dahil sa nakaambang tigil-pasada sa Lunes. 

Ikinasa ng iba't ibang transport groups ang tigil-pasada bilang pag-alma nila sa public utility vehicle (PUV) modernization program. 

Sa TeleRadyo, sinabi ni Metro Manila Council (MMC) chairman at San Juan City Mayor Francis Zamora na nagpulong na ang mga alkalde at ang Metropolitan Manila Development Authority at napag-usapan na ang pag-deploy ng mga sasakyan para sa libreng sakay. 

Handa na rin ang MMDA na ipagamit ang kanilang mga bus para bumiyahe. 

Bukas din aniya ang MMDA na suspindehin ang number coding at tinalakay na rin aniya ng MMC ang seguridad na ilalatag ng kapulisasn sa Kamaynilaan. 

Sa San Juan, rerenta ang LGU ng mga bus at maglalabas ng utos para payagan ang mga tricycle na bumiyahe sa labas ng kanilang ruta sa Lunes. 

"Kami ay umaasa na baka naman po sa mga darating na araw bago nga po ang Lunes ay maresolba ang mga problema at magdesisyong huwag na lang ho sana magkaroon ng tigil-pasada sapagkat siyempre malaki ang epekto nito sa ating mamamayan. Gayunpaman, handa po ang Metro Manila Council," ani Zamora. 

Inihahanda na rin ng Manila city government ang mahigit 1 dosenang bus, truck at iba pang shuttle services kapag natuloy ang tigil-pasada sa susunod na linggo. 

"Ang city government of Manila ay magpo-provide ng libreng sakay. 
May mga ruta po tayong ipo-provide dyan para meron tayong magamit kahit papaano," ani Earl Joshua Balabo, manager ng kanilang disaster operations center. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.