MANILA – Bahagyang tumaas ang bilang ng mga sunog sa umpisa ng 2022 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
“Ngayong 2022, from January 1-March 3, tayo po ay nagkaroon ng 2,147 fire incident. Kumpara po last year, same period, ay 1,943,” ayon kay BFP spokesperson Supt. Annalee Carajal-Atienza.
“So tumaas po tayo ng 10.5 percent nationwide. Sa NCR naman po ay 371, compared po last year, 522. So ngayon, sa NCR po, bumaba po tayo ng almost 29 percent,” aniya.
Ayon kay Atienza, mga problema sa kawad ng kuryente pa rin ang pangunahing dahilan ng mga sunog sa bansa.
“Sa atin pong top 3 causes meron po tayong electrical ignition caused by arching. Yan po yung kuryenteng nag-a-arch from one putol na kawad or wire, nag-a-arch siya sa kabila. Yan po yung mga nag-chip na, naputol, na kinagat minsan ng mga kaibigan natin na mga daga, at hindi nga po well-maintained.”
“So once nag-arch yan, magkakaroon ng spark, at makadikit sa light materials, dyan na po nag-uumpisa ang sunog,” paliwanag niya.
“Ang sumusunod po dyan ay yung electrical ignition caused by loose connection. So ito naman po yung mga plug natin na minsan ay binubuka natin o minsan naman iniipit, tapos isasaks sa socket ano, akala natin okay na siya. So doon po, another spark na naman.”
Nagiging dahilan din ng sunog, ani Atienza, ang mga apoy na napapabayaan habang nagluluto.
“Pumapangatlo po diyan yung open flame from cooking so kasama po d'yan yung mga LPG, yung gas stove, at pati na rin po yung firewood.”
Payo ng opisyal, hindi dapat pinapabayaan ang mga pagkaing niluluto sa kalan.
“So sa mga nagluluto po, ayan po sana po wag din po nilang iiwan. At yung mga LPG ay isi-switch off po pagkatapos gamitin at dapat magkaroon din po tayo ng good housekeeping,” sabi niya.
Dagdag pa ni Atienza, mas mabuti kung mailalagay ang tangke ng gas sa labas ng bahay.
“Hanggat maaari ang LPG natin ay nasa labas ng bahay. Kung kaya po nating gawan ng set-up na ganoon, may hose lang papunta doon sa ating kalan.”
May paraan din para madaling malaman kung may sumisingaw sa hose ng isang LPG, ayon sa opisyal.
“Kumuha lang po tayo ng sponge or yung kamay natin, lagyan natin ng sabon, ano po ng pag-dishwashing, tapos siya po nating ihagod doon sa hose ng ating tangke, ng LPG. Pag may bumula po ibig sabihin may sumisingaw.”
“So ipa-check po natin yan or papalitan po natin sa ating mga supplier para sigurado po tayo,” aniya.
Para sa mga appliances naman, maganda kung maipasusuri ito sa mga eksperto minsan sa isang taon para masilip ang kalagayan nito.
“Ito po sa electrical, mga cases natin, ang atin po ding pinapaalaala, magkaroon tayo ng regular checking, check-up, maintenance ng ating mga linya ng kuryente. At least once a year, maipasuri po natin ito sa mga eksperto, sa mga licensed electrician po talaga. Wag lang po diyan sa kapitbahay natin na tayo’y nagtitipid siguro,” aniya.
“Pero ang atin pong isipin, mas delikado po kapag ito’y napabayaan nga natin which, ito ng nga po, yung mga cases natin ay dahil nga po dyan sa kapabayaan sap ag-maintain ng ating mga linya ng kuryente.”
--TeleRadyo, 3 March 2022
sunog, bureau of fire protection, fire, fire prevention, fire prevention month, BFP