2 tsuper, 1 welder na umano’y drug pushers din timbog sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2021 08:03 PM | Updated as of Mar 03 2021 08:34 PM

CAUAYAN CITY, Isabela — Timbog ang 3 lalaki sa bayan na ito nitong Martes matapos ang isinagawang magkahiwalay na buy-bust operations ng mga awtoridad. 

Ikinasa ang operasyon sa Barangay Tagaran kung saan nahuli sina Ariel Andrada, 40, tricycle driver; Henrie Pausa, 31, truck driver; at Mariano Ramos, 46, welder.

Ayon sa Cauayan City police, 2 sachet na naglalaman ng marijuana ang naaktuhang ibinenta umano ni Pausa at Ramos sa pulis na poseur-buyer.

Nakumpiska pa umano kay Pausa ang 2 sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu.

Isang paper bag na naglalaman naman ng 3 sachet ng marijuana ang nasamsam umano sa inuupahang bahay ni Andrada.

Nasampahan na ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Kabilang umano ang 3 sa mga itinuturing na high-value target ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Sinampahan din ng hiwalay na reklamong illegal possession of ammunitions si Ramos na nakumpiskahan umano ng 4 na bala ng caliber 9mm na baril. — Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.